PARA kay House Speaker Faustino Dy, lubhang mahalaga marinig ang tinig ng mga mamamayan sa rehiyon kung saan karaniwan na ang paghahari ng mga tinaguriang dinastiya.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na pinamumunian ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa University of the Philippines – Cebu, muling tinalakay ang isinusulong na panukalang wakasan ang political dynasty sa bansa.
Partikular na tinukoy ni Adiong ang pagtalakay hinggil sa 24 anti-political dynasty measures.
Samantala, ibinahagi naman ni House Speaker Faustino Dy sa bisa ng video message ang hangarin ng Kamara gawing mas komprehensibo ang isinusulong na anti-political dynasty bill sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga mamamayan mula sa iba’t ibang rehiyon.
Para kay Dy, higit na angkop makita ng Kamara ang tunay na sentimyento ng sambayanang Pilipino.
“Ngayon naman po ay lumalapit ang Kongreso sa inyo, mga mahal naming taga-Visayas, dahil ang inyong tinig at damdamin ay aming pinahahalagahan at isinasaalang-alang,” ani Dy.
Kamakailan lang nang magsagawa ng public consultation ang Kamara sa Carmona, Cavite. Inaasahan naman gaganapin ang ikatlong yugto sa Cagayan de Oro City.
Bagamat una nang inihain sa Kamara ang House Bill 6771 na akda ni Dy at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, nilinaw ng pamunuan ng Kamara na pangunahing hangad ng Kamara bigyan ng katuparan ang nakasaad sa 1987 Constitution — partikular ang probisyong nagbabawal sa political dynasty.
“Sa ngalan po ng House of Representatives, nagpapasalamat po kami na binuksan po ninyo ang inyong puso, isipan, at mga komunidad para sa mahalagang usapin ng Anti-Political Dynasty Bill,” sambit pa ng lider-kongresista.
“Ang Kapulungan ay handang makinig at kumilos para sa ikabubuti ng ating bansa.” (ROMER R. BUTUYAN)
