WALANG puwang ang diskriminasyon sa isang sibilisadong lipunan, ayon sa dating partylist congressman kasabay ng pagtuligsa sa Starbucks sa ginawang pagpapalayas sa kostumer na may kasamang anak na may autism spectrum.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni dating Bayan Muna partylist Rep. Carlos Zarate ang branch ng Starbucks sa Pampanga.
Ang dahilan aniya ng pagpapalayas — kumakain ang anak na autistic ng pagkain na binili mula sa ibang tindahan.
Para kay Zarate, malinaw na kawalan ng respeto ang ginawa ng Starbucks sa batang autistic dahil lang sa hindi binili sa naturang establisyemento ang pagkain ng anak ng kostumer.
“Starbucks boasts about its ‘Inclusive Spaces Framework’ in other countries—featuring accessibility features for Deaf and disabled customers—yet their Philippine branch cannot even show the simplest form of accommodation for a child on the spectrum. This reveals a hollow commitment to disability rights. It is ‘inclusivity’ only when it is convenient for their bottom line,” wika ni Zarate.
“No wonder many branches of this store worldwide are now closing because it has already lost its soul and basic sense of humanity,” dugtong ng dating mambabatas.
Ayon kay Zarate, dapat isaalang-alang ng Starbucks ang posibilidad na ang pagkain na dala ng bata ay “medical o therapeutic necessity” para sa isang indibidwal na may sensory processing disorders.
“To prioritize a corporate policy over the welfare of a child with special needs is not just callous and bad customer service—it is a violation of the spirit of inclusivity.”
“Starbucks profits from the Filipino people, and in return, they should show basic human decency, not traumatize families already navigating the challenges of raising a child with autism,” aniya pa.
Bagamat karapatan aniya ng isang establisyemento magtakda ng polisiya, higit na angkop ang mangibabaw ang malasakit at pagtatakda ng exemption sa mga indibidwal na pasok sa kategorya ng persons with disability.
Panawagan ng militanteng lider sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa National Council on Disability Affairs, imbestigahan ang Starbucks na makailang ulit nang nagpakita ng diskriminasyon sa mga PWD.
