KASABAY sa pagdaraos ng public consultation ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa Cagayan de Oro City kaugnay ng usapin sa political dynasties, tiniyak ni House Speaker Faustino Dy III na magiging “fair at implementable” ang Anti-Political Dynasty Bill na pagtitibayin ng Kama.
“Mga kababayan, we are serious about passing a fair, just, and implementable Anti-Political Dynasty Law in the 20th Congress,” pahayag ni Speaker Dy.
Sa kanyang video message sa mga stakeholders na nagtipon-tipon sa University of Science and Technology of Southern Philippines, iginiit ng lider ng Kamara na hindi lamang ang pagtupad sa itinataguyod ng Saligang Batas ang kanilang mithiin bagkus ay bumalangkas ng batas na kayang tumintig sa nakaumang na legal scrutiny at lubos na epektibo.
“Any final version of the proposed law must emerge from wide, inclusive and sincere consultations across the country,” saad pa ng House Speaker.
“We are equally firm in our belief that any law we pass must be the product of wide, inclusive, and sincere consultation — isang batas na maingat na binalangkas, masusing pinag-aralan, at nakaugat sa tunay na saloobin ng mga Pilipino,” dagdag niya.
Sa inisyatibo ni Dy, tatlong regional consultations ang itinakda ng Kamara, sa pangunguna ng komiteng pinamumunuan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na layong pulsuhan ng saloobin ng taumbayan hinggil sa kontrobersyal na usapin sa political dynasty.
Ang Cagayan de Oro consultation ay siyang nagsilbing Mindanao leg ng nasabing talakayan. Una nang nagsagawa ng konsultasyon sa Carmona, Cavite at Cebu City.
Sa bisa ng regional rollout, kumbinsido ang pamunuan ng Kamara na magkakaroon ng pantay na oportunidad ang mga mamamayan ng Luzon, Visayas at Mindanao sa pagpapahayag ng saloobin sa isyu.
Labis namang pinasalamatan naman ni Speaker Dy ang mga residente ng Cavite at Cebu sa aktibong partisipasyon sa idinaos na public consultations kung saan ibinahagi ang kani-kanilang malalim na pananaw at tunay na buhay na karanasan.
“The prior consultations clarified the delicate balance lawmakers must strike between protecting the people’s right to choose their leaders and expanding opportunities for public service to a broader range of Filipinos,” anang Isabela province lawmaker.
Para naman sa Mindanao stakeholders, ipinaliwanag ng House Speaker na pinili ang Cagayan de Oro para siyang pagdausan ng public consultation para makuha rin ang pananaw ng mga mamamayan ng rehiyon na kadalasan ay hindi naririnig sa national debates.
“Ngayon naman po ay lumalapit ang Kongreso sa inyo, mga mahal naming taga-Mindanao, dahil ang inyong tinig at damdamin ay aming pinahahalagahan at isinasaalang-alang,” pahayag ni Speaker.
“Habang nagpapatuloy ang mga talakayang ito, hinihiling namin na manatiling bukas, magalang, at makabuluhan ang ating mga diskusyon. Ang Kapulungan ay handang makinig at kumilos para sa ikabubuti ng ating bansa.”
Sa kabuuan, mayroong 24 anti-political dynasty bills na inihain sa Kamara, kabilang ang House Bill No. 6771 na akda nina Speaker Dy at House Majority Leader Sandro Marcos — na pawang naglalayong magkaroon ng malinaw na depinisyon ang family relationships at partikular na limitasyon sa elective public positions ng mga magkakaanak sa politika. (ROMER R. BUTUYAN)
