NI EDWIN MORENO
NAPILITAN lumikas ang nasa 50 pamilya matapos sumiklab ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng dalawang pwersang kapwa nasa ilalim ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao del Sur.
Sa paunang ulat ng Philippine Army 6th Infantry Division, dakong ala 1:30 kamakalawa ng hapon nang magsimula ang palitan ng putok sa pagitan ng MILF 105th Base Command — sa pamumuno ng isang Alonto Sultan, at pinagsanib na pwersa ng 128th at 129th Base Command ng MILF sa Sitio BPI, Barangay Kilangan sa naturang bayan.
Sa huling tala ng otoridad, 19 ang patay sa hanay ng tropa Alonto Sultan at panig ng 128th at 129th Base Command na pinamumunuan ni Ikot Akmad.
Limang hindi kinilalang militia ang sugatan sa engkwentro.
Humupa ang tensyon matapos ang pagsisikap ng kasundaluhan, pulisya, at iba pang security forces kasama ang Government of the Philippines-Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (GPH-CCCH) na nagbigay ng seguridad sa komunidad.
