
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ANG pagtulong sa kapwa, walang kinikilalang pulitika, ayon kay House Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo matapos ibigay sa Angat Buhay Foundation ni former Vice President Leni Robredo ang hindi bababa sa 50 kahon (katumbas ng 5,000 kapsula ng Doxycycline na gamot kontra leptospirosis.
Sa isang pahayag, binigyang halaga ni Tulfo ang agarang tugon sa peligrong nakaamba sa mga residente sa Bicolandia na lubhang apektado ng malawakang pagbaha dulot ng bagyong Kristine.
Pag-amin ng kongresista, marami sa mga natatanggap ng tawag sa kanilang tanggapan ay ang problema sa leptospirosis dahil sa mga nakababad ang mga residente sa baha partikular sa Bicol region.
“Karamihan po nang tumatawag sa atin at nagrereport sa social media at may problema sa leptospirosis kaya agad po kaming gumawa ng paraan para makakalap ng ng mga gamot para dito,” ani Tulfo.
Ayon pa kay Cong. Tulfo, “lumubog kasi ang maraming bahagi ng CamSur lalo na ang Naga City noong Bagyong Kristine at ang nakakatakot ang mga tao nababad sa baha”.
“Proteksyon o panangga ng mga tao laban sa leptospirosis ang mga gamot po na ito”, ani Tulfo.
Dagdag naman ni ACT-CIS Cong. Edvic Yap, “hindi po kami mananawa na tumulong hanggat may nangangailangan ng ayuda… tutulong po ang ACT-CIS”.
“Malawak po ang bagyong ito kaya pati po sa Northern Luzon at tinutulungan din po namin”, wika naman ni Cong. Jocelyn Tulfo ng ACT-CIS partylist din.
Matatandaan na kamakailan ay aabot din sa 2,000 sako ng bigas at P1 milyon ang ipinamahagi nitong Oktubre 24 ni Rep. Tulfo at ACT-CIS partylist na hinugot sa kanilang personal na pondo para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine.
“Ito po yung konting ambag naming ng ACT-CIS tsaka ng Erwin Tulfo Action Center para sa mga kababayan natin po na binaha, binagyo po para makatulong po sa mga kababayan natin,” aniya pa.
Nakipag-ugnayan din ang tanggapan ni Tulfo at ACT-CIS partylist sa Angat Buhay Foundation ni dating VP Robredo para naman sa karagdagang 500 sako ng bigas.
Aabot din sa 500 sako pa ng bigas ang ipapakalat naman sa bayan ng Iriga at iba pang bayan sa Bicol region na grabeng nasalanta ng bagyo.
Nagpadala na rin si Rep. Tulfo ng P50, 000 cash para naman sa mga biktima ng bagyo sa San Guillermo Parish sa Talisay, Batangas.
Iginiit ni Tulfo na tuloy-tuloy ang pagtulong ng ACT-CIS partylist at Erwin Tulfo Action Center sa mga nasalanta ng bagyo.
“Ngayon naman ay nakatutok tayo sa mga tinamaan ng bagyong Leon… tuloy lang ang monitoring natin para agad tayong makapagpadala ng mga ayuda sa mga nangangailangan nating mga kababayan,” pahabol ng Tulfo.