HINDI bababa sa halagang P97 milyon ang nasamsam na smuggled na sigarilyo sa ponagsanib na operasyon kamakailan ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC) sa Parang, Maguindanao del Norte.
Sa impormasyong ibinahagi ng PNP, dakong alas 6:00 ng umaga ng Enero 6 nang isagawa ang operasyon kontra cigarette smuggling sa Barangay Gumagandong-Calawag sa nabanggit na lalawigan.
Ayon sa PNP, ikinasa ang pinagsanib na operasyon na kinabibilangan ng Regional Intelligence Division, Regional Drug Enforcement Unit -Special Operations Group, Regional Mobile Force Battalion 14-A, Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region at Parang Municipal Police Station matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa lokasyon ng isang bodega kung saan iniimbak umano ang mga imported na sigarilyong ipinuslit sa bansa.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr, sa pagsalakay walang nakitang kontrabando pero napansin ang kakaibang lambot ng lupa ng mga operatiba.
Nang suriin, nabisto ang mga smuggled na sigarilyong ibinaon umano ng sindikato sa ilalim ng lupa.
Sa imbestitaryo, 2,483 master cases ng imported na sigarilyo ang narekober. Ang katumbas na halaga — P97.5 milyon. (EDWIN MORENO)
