SA halip na kwarta, malamig na rehas ang kapit ngayon ng tatlong indibidwal matapos salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang illegal surrogacy agency sa bayan ng Porac, lalawigan ng Pampanga.
Ayon sa NBI, nag-ugat ang operasyon bunsod ng reklamong inihain ng isang dating “surrogate mother” laban sa House of Surrogacy PH, na umano’y nagre-recruit ng mga kababaihan handang magbuntis para sa “intended parents” — kapalit ang pera.
Batay sa imbestigasyon, pagkatapos manganak ng mga kababaihan ay isinusuko ang kustodiya ng sanggol sa mga “adoptive parent,” habang ang mga suspek naman ang umano’y nagpoproseso ng pekeng detalye sa birth certificate.
Sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH), hindi nakarehistro sa naturang ahensya ang operasyon ng House of Surrogacy PH bilang health facility.
Bago pa man ikinasa ang pagsalakay, nagsagawa muna ang NBI ng surveillance at undercover operation para matunton ang iba pang pasilidad na ginagamit bilang panuluyan ng mga nagbubuntis para sa mga walalang kakayahan magdalangtao.
