HULI man daw at magaling, huli pa rin. Ito marahil ang usal ng mga manggagawa sa Eastern Visayas kasunod ng anunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng P30 umento sa arawang sahod ng mga minimum wage earners sa naturang rehiyon.
Ayon sa DOLE, epektibo na ang P452 arawang ganansya (mula sa dating P422 kada araw) para sa mga minimum wage earners sa Eastern Visayas.
Bagamat malayo sa panukalang P200 dagdag-sahod, tiniyak naman ng kagawaran na masusundan pa ng ikalawang bugso ang umento pagsapit ng unang araw ng Hunyo ng susunod na taon.
Sa pagtataya ng DOLE, posibleng mula sa P440 hanggang P470 ang magiging bagong minimum wage sa Region 8.
Samantala, aprubado na rin ang dagdag sa buwanang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon na naglalaro naman sa P5,800 hanggang P6,400. (JULIET PACOT)
