NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand. Marcos Jr., inilunsad ng Kamara de Representantes, sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “Tabang Bikol, Tindog Oragon” relief initiative.
Bahagi ng inisyatiba ang P750 milyong halaga ng cash assistance sa mga lugar na hinagupit ng mga nagdaang super bagyo – kabilang ang Catanduanes. Bukod sa tulong pinansyal, hatid din ang relief goods na inaasahang darating sa Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Catanduanes ngayong araw.
“Ito ang mensahe sa atin ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, na tayo ay magkaisa at patunayang kaya nating magtulungan at bumangon mula sa kahit anong unos. Alam natin ang hirap ng ating mga kababayang nasalanta, kaya tayo ay pupunta doon para maghatid ng relief goods at tulong-pinansyal,” wika ni Romualdez.
“Pagkakaisa pa rin ang esensya ng ating pagbangon. Sabay-sabay tayong tatayo mula sa kalamidad na ito at magsumikap para sa magandang kinabukasan,” dugtong niya.
Katuwang ng lider ng Kamara sa naturang inisyatiba sina House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co na nagmula sa Bicol, at pakikipagtulungan ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada.
Kabilang sa nakapaloob sa inisyatiba ang:
1. Financial assistance payouts: Magsisimula sa Nobyembre 18 ang pamamahagi ng pinansyal na tulong sa ilalim ng Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD sa mahigit 150,000 benepisyaryo sa buong rehiyon.
2. Mini-Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF): Sa Nobyembre 21 ay isasagawa ang mga mini-BPSF event upang magbigay ng pangunahing serbisyo ng iba’t ibang ahensya ang mga residente, kabilang na ang mga programa sa pabahay, pang-kalusugan, at kabuhayan. Gaganapin ang pamamahagi ng tulong sa Jessie Robredo Coliseum sa Naga City, Ka-Fuerte Sports Complex sa Pili, at BUPC Gymnasium sa Polangui, kung saan inaasahang makikinabang ang 10,000 katao sa bawat lugar.
3. Pamamahagi ng mga ayuda: Isang convoy ng 24 trak na naglalaman ng mga pagkain, hygiene kits, damit, at iba pang mahahalagang gamit ang aalis mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang maghatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.
Para kay kay Gabonada, ang naturang proyekto ay patunay ng dedikasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isang komprehensibong pamamaraan upang agad na makabangon ang mga nasalanta sa bisa ng kolektibong pagkilos ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at mga private donors tulad ng Tingog Partylist, PHILRECA, National Irrigation Administration (NIA), at iba pa.
Layon aniya ng inisyatiba tugunan ang mga agarang pangangailangan ng mga apektadong lugar, kasabay ng pagpapalakas sa mga komunidad para sa kanilang pagbangon mula sa epekto ng kalamidad.
Ayon sa lider ng Kamara, higit na angkop ang mabilis na tugon sa kalamidad para sa mabilis na pagbangon tungo sa kaunlaran ng mga apektadong komunidad tulad na lang umano ng nangyari sa kanyang distritong nakaranas ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.
“Ito ang ating natutunan sa mga nagdaang bagyo, na ang response and recovery ay dapat mabilis. Dapat ihatid agad ang tulong sa ating mga apektadong komunidad at dapat ito rin ay hindi lamang pantawid sa nangyari kundi kasama ang tulong sa pagbangon mula sa epekto ng bagyo,” paliwanag ng Leyte solon.
