INAMIN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kabilang ang pamilya ng mga top regional leaders ng New People’s Army (NPA) sa mga nasawi sa engkwentro sa pagitan ng militar at rebeldeng grupo sa Malaybalay City, Bukidnon noong Pasko.
Ayon kay LT. Col. Anthony Bacus, Commanding Officer ng 8th Infantry Battalion, ang mga nasawi sa bakbakan ay kinilalang sina Beverly Sunta at asawa niyang si Alfredo Banawan, maging ang anak nitong si Chen-Chen Banawan, lahat ay mula sa Sitio Trukat, Barangay Cawayan.
Si Sunta ay hinihinalang secretary general habang si Banawan ay deputy secretary ng Sub-Regional Committee-2 (SRC2), Headquarters Loader and Regional Sentro De Gravidad (RSDG) Compaq, lahat ay sa ilalim ng North Central Mindanao Regional Committee.
Ang apat pang nasawi ay kinilalang sina Penita Singaman, Bebot Solinay, Aurellio Gonsalez, at isang “Loue” mula Agusan.
Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng tatlo pang bangkay.
Narekober sa mga rebelde ang high-powered firearms, cell phones, syringes, mga gamot, ammunition, projectors, generators, at ilang dokumento.
Inilarawan ni MGen Jose Maria Cuerpo ng 4th Infantry Division ang Christmas Day operation bilang isang ‘major success’ sa nagpapatuloy na hakbang ng pamahalaan laban sa mga rebelde sa bulubundukin ng Malaybalay City.
Hinihintay pa ang kumpirmasyon ng Communist Party of the Philippines sa pahayag ng militar.