
Ni Jam Navales
NAGPAABOT si House Committee on Health Vice-Chairman at AnaKalusugan partylist Rep. Ray T. Reyes ng tulong pinansyal para sa mga naging biktima ng pampasaherong bus na nahulog sa bangin sa bahagi Antique province nitong nakaraang Martes, Disyembre 5.
Ayon sa ranking House official, sa anyo ng medical assistance na nagkakahalaga ng P10,000, ang binigay sa pamilya ng nasa 18 nasawi gayundin sa 11 iba pang nasagutan sa naturang bus crash incident.
“Nakikiramay po kami sa pamilya at mahal sa buhay ng mga biktima ng aksidenteng ito. Makakaasa din po kayo na narito ang AnaKalusugan na handang tumulong sa inyo para siguruhing mananagot ang mga dapat managot sa aksidenteng ito,” pahayag pa ni Reyes.
Pinasalamatan naman ni Reyes ang kilalang Antique leader at former Valderrama town mayor Ray Roquero sa pagsusumikap nito makipag-ugnayan sa AnaKalusugan party-list para sa pamamahagi ng nasabing tulong sa mga biktima.
“Napakasipag at napakasigasig ni Ka Ray sa pagsiguro na maabutan ng tulong ang mga biktima. Sana dumami pa ang mga kagaya niya na hands-on leaders,” ang tugon naman ni Roquero.
Umapela naman neophyte pro-health advocate solon sa mga motorista na palaging maging maingat sa pagmamaneho lalo ngayong holiday season.
“Nananawagan din po kami sa lahat lalo na sa ating mga motorista ng ibayo pang pag-iingat lalo na at nalalapit na ang kapaskuhan, kung saan marami sa ating mga kababayan ang umuuwi sa kanilang probinsya,” ani Reyes.
Nabatid sa ulat na mahigit sa 50 ang sakay ng bus No. 6289 mula Iloilo City na patungo sana sa bayan ng Culasi nang mawalan ito ng preno at dumiretso sa malalim na bangin bandan alas-4:30 ng hapon.
Ang mga nasaktang pasahero ay agad na isinugod sa Angel Salazar Memorial General Hospital (ASMGH) sa San Jose de Buenavista, Antique; gayundin sa Western Visayas Medical Center (WVMC) at Iloilo Mission Hospital.