
DALAWA ang patay, kabilang ang isang sibilyan, habang tatlong iba pa ang sugatan matapos ang makipagpalitan ng putok ang mga pulis-Maynila at armadong riding-in-tandem sa Sta. Cruz, Maynila.
Pagkatapos ng komosyon, bulagta at wala ng buhay ang suspek na kinilala sa pangalang Wilfredo Marquez Jr. Binawian din ng buhay sa Jose Abad Santos General Hospital ang sibilyang si Rosemarie Depaudhon na nagkataong nasa kahabaan ng Rizal Avenue nang sumiklab ang sagupaan.
Patuloy naman nilalapatan ng lunas ang mga nasugatan, kabilang ang isa pang suspek na si Bobby Alconera, at ang mga pulis na sina Cpl. Raymark Laurena na sapul ng bala sa kanang mata at Cpl. Raymond Ocampo na tinamaan naman ng bala sa kaliwang tenga.
Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), dakong alas 9:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Rizal Avenue at Soler Street sa Sta. Cruz kung saan di umano nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit.
Nang parahin ng mga pulis ang Rouser-type motorcycle, humarurot ang mga suspek na lulan ng motorsiklo, sabay bunot ng baril at walang habas na pagpapaputok.
Dito na umano tinugis ng pulis ang mga suspek na nakipagpalitan ng putok hanggang sa masukol.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang .45 caliber pistol na kargado ng bala.