MATAPOS bayuhin ng bagyong Tino ang mga lalawigan sa silangan at katimugang bahagi ng bansa, mas maagang ikinasa ang relief operation sa Eastern Visayas bilang tugon sa banta ng panibagong pananalasa ng typhoon Uwan.
Katuwang ang Tingog partylist, ibinida ni former House Speaker Martin Romualdez ang pag-arangkada umano ng “prepositioning of relief goods” sa sa mga lalawigang sakop ng Eastern Visayas.
Kasabay na rin sa 12th anniversary ng Super Typhoon Yolanda, nagtipon-tipon sa Tingog Community Center sa Tacloban City ang mga volunteer at staff kung saan magkatuwang na nagsagawa around the clock repacking ng food packs at iba pang mahahalagang kagamitan upang agarang ipadala sa mga komunidad na dadaan ng nasabing bagyo.
Ayon kay Romualdez, ang naturang hakbang ay katuparan sa hangarin magkaroon ng proactive disaster preparedness action, epektibo at mabilis na humanitarian response.
“We have learned from the painful lessons of Yolanda. That is why we are ensuring that relief goods are ready and strategically positioned ahead of time so we can respond immediately to our people’s needs,” wika ng Leyte congressman.
Muli namang nanawagan si Romualdez at grupong Tingog sa publiko na manatiling nakatutok sa typhoon monitoring at sumunod sa abiso ng pamahalaan tungkol sa kinakailangang paghahanda at magiging aksyon upang makaiwas sa anumang kapahamakan.
“I call on everyone to stay vigilant and united to ensure zero casualties. Let us continue working closely with our local governments and agencies, follow official advisories, and always put safety first,” diin ng former House Speaker.
Samantala, nabatid kay Tingog Rep. Jude Acidre na kabilang sa relief goods na naihanda nila ay ang nasa 400 sacks ng 25-kilo rice, tig-80 boxes ng kape, noodles at canned goods, 50 boxes ng cereal drink, at 50 boxes ng assorted biscuits.
“Where these will be delivered will depend on which municipalities will be affected by the typhoon, in coordination with the Office of Civil Defense and our local government units,” ani Acidre. (ROMER R. BUTUYAN)
