HIMAS rehas ang isang 37-anyos na miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos sampahan ng asunto ng nobyang di umano’y sinaktan Lunes ng gabi sa bayan ng Gumaca, sa lalawigan ng Quezon.
Sa ulat ng Calabarzon Regional Police, kinilala lang ang suspek sa pangalang Edward na nakatalaga sa Buenavista Police Station.
Batay sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, dakong alas 10:30 ng gabi nang makipagtalo ang biktima sa kinakasama sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Progreso sa bayan ng Gumaca. Dito na umano nagdilim ang paningin ng pulis na (di umano’y lasing) makailang ulit na sinuntok sa ulo ang biktima.
Hindi naman tinukoy ang dahilan ng away.
Agad naman sumaklolo ang barangay kasama ang mga miyembro ng lokal na pulisya. Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) ang suspek na pulis.
