HINDI marahil inaasahan ng isang barangay chairman na ang mismong closed-circuit television (CCTV) camera na ikinabit sa sariling tanggapan ang maglalagay sa kanya sa malaking problema.
Sa isang viral video sa YouTube, kinuyog ng mga netizens ang umano’y hayagang katiwalian sa pondo ng pamahalaan para sa sariling kapakinabangan.
Hagip din sa CCTV footage ang aktwal na pagbibigay ng direktiba ni Kapitana Annaliza Intalan sa isang empleyado kung paano ikukubli sa pagsusuri Commission on Audit (COA) ang tinatawag na payroll-padding.
Si Intalan ang punong barangay ng Kalayaan sa baybaying bayan ng Angono, lalawigan ng Rizal.
Sa ilalim ng umiiral na batas, mahigpit na ipinagbabawal ang payroll padding na pasok sa kategorya ng “crime of moral turpitude” na may karampatang parusang pagkakulong, at multa alinsunod sa Revised Penal Code — bukod pa sa dismissal at perpetual disqualification kung opisyal o empleyado ng pamahalaan ang sangkot.
Matapos pumutok ang kontrobersiya, pinatawag ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Kapitana Intal para magbigay ng paliwanag. Kabilang sa mga dumalo ang mga kagawad at residente ng Barangay Kalayaan.
Wala pang pahayag ang Kapitana hinggil sa nasabing usapin.
