PINASUSUPORTAHAN ni Senator Christopher “Bong” Go sa publiko ang kahalagahan ng Metro Manila Film Festival (MMFF) at ang pagsuporta sa lokal na industriya ng pelikula.
Bilang miyembro ng executive committee ng MMFF mula noong 2019, hinimok ni Go ang mga Pilipino na suportahan ang mga lokal na pelikula, sining at kultura, partikular sa panahon ng MMFF.
Ayon kay Go, ang MMFF ay hindi lamang isang tradisyon tuwing panahong ito, kundi isang mahalagang bahagi ng ating industriya ng pelikula na nagbibigay daan sa pagpapakita ng husay, talento, at malikhaing galing ng mga Pilipino.
Sinabi ni Go na naharap sa mga hamon ang industriya ng pelikula dahil sa pandemya kaya ang bawat tiket na binibili ay isang pamumuhunan sa kinabukasan ng sining at kulturang Pilipino.
“Ang pandemya ay nagdulot ng malaking hamon sa ating industriya. Ngunit sa ating pagtangkilik, maipakikita natin ang ating kakayahan na muling bumangon at lumago,” anang senador.
Kasama sa MMFF ngayong taon ang “Family of Two,” “Kampon,” “Penduko,” “Rewind,” “When I Met You in Tokyo,” “Becky and Badette,” “Broken Hearts Trip,” “Firefly,” “Gomburza, ” at “Mallari.”
Samantala sa Senado, bilang miyembro ng Senate Committee on Public Information ay isinulong ni Go ang pagpasa ng Senate Bill No. 1183 o ang “Media and Entertainment Workers Welfare Act”.
Layon ng panukala na magbigay ng pinahusay na proteksyon, seguridad, at mga insentibo sa mga manggagawa sa media sa bansa.
Kasama sa panukalang batas ang mga probisyon para sa karagdagang coverage ng health insurance, overtime at night differential pay, hazard pay, at iba pang benepisyo.
Binanggit din niya ang kanyang suporta sa “Eddie Garcia bill” na layong bigyan ng karagdagang suporta at proteksyon ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Hinimok ni Go ang patuloy na pagmamahal at suporta para sa mga lokal na artista at sa kanilang trabaho.
Hinikayat din niya ang lahat na magpakita ng pakikiramay hindi lamang tuwing Pasko kundi sa pang-araw-araw na buhay.