PINAALALAHAN ng Department of Health (DOH) ang mga magulang na bantayan ang kanilang paslit na anak laban sa paggamit ng paputok na “watusi” kasunod ng aksidenteng pagkalunok ng 4-anyos na bata ng nilalarong watusi.
Binanggit ng DOH na karamihan sa mga bata ay napapagkamalang candy ang watusi dahil sa hugis at kulay nito.
Ang bata ay isa sa 13 bagong fireworks-related injuries na naitala ng DOH hanggang nitong Huwebes ng alas 6 ng umaga.
“Watusi is deadly. Watusi contains yellow phosphorus, potassium chlorate, potassium nitrate, and trinitrotoluene,” sabi ng DOH.
“Ingestion will lead to death. Bring the patient to the emergency room ASAP. Do not buy or allow any watusi to be at your home.”
Kapag nakalunok ng watusi, payo ng DOH na huwag pasukahin. Maaaring bigyan ang bata ng anim hanggang walong egg whites habang ang mga nakatatanda ay bigyan ng 12 egg whites bago dalhin sa pinakamalapit na hospital emergency room.
Kapag sa mata naman ay maaring hugasan ng malinis na tubig ng 15 minuto, panatilihing bukas ang talukap ng mata at humingi agad ng atensyong medikal.
Agad ding hugasan ng malinis na tubig kapag ang balat ang naapektuhan ng watusi at alisin ang nakontaminang bahagi ng balat.
Dapat ding huminga sa malinis at sariwang hangin ang pasyente kapag nalanghap ang watusi. Dapat maging komportable hanggang mabigyan ng agarang medical assistance.
Ang bagong fireworks-related cases ay karamihan mga kalalakihan na may edad mula 5 hanggang 49 taong gulang. Nangyari sa bahay at kalye ang 12 sa mga bagong kaso.
Tanging lima o 42 percent lamang ay dahil sa illegal fireworks.