![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2024/11/higantes.png)
ANGONO, Rizal — Sa halip na magarbong parada, malinis na kalsada ang bumungad sa takdang araw ng taunang selebrasyon ng pinananabikang Higantes Festival.
Sa isang kalatas, malungkot na inihayag ni Angono Municipal Tourism Office chief Tracy Pascual ang pagpapaliban ng makulay na paradang kalakip ng Higantes Festival kasabay ng giit na higit na mahalaga ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng peligro ng bagyong Pepito.
“We care for everyone’s safety. Para po sa kaalaman ng lahat, hindi po namin o natin ginusto na ma-cancel ang mga kaganapan ngayong araw. Ilang buwan na po natin itong pinaghandaan. Kami po sa Angono Tourism Office ay naka-all systems ready na weeks prior to the event. Ngunit sa hindi po inaasahang pagdating ni Pepito ay pansamantalang na-hold ang ating pinananabikang Higantes Festival,” wika ni Pascual.
Aniya, hindi kailanman hangad ng lokal na pamahalaan na ilagay sa kapahamakan ang sinuman — “Hindi po namin gusto na ilagay ang lahat sa anumang kapahamakan, lalong lalo na po ang ating mga pinakaiingatan Higantes at lahat ng mamamayan na lalahok sa mga activities.”
Bukod aniya sa parada ng mga Higante, ipinagpaliban din ang iba pang aktibidad na nakatakda sa mismong araw ng pagdiriwang.
“Dahil na rin po sa ibinabang anunsyo ng Department of Interior and Local Government at pagtataya ng PAGASA, napagpasyahan ng ating lokal na pamahalaan i-cancel muna ang Higantes Festival Grand Parade at ang ilan sa mga competition na magaganap sana ngayong araw,” sambit pa ni Pascual na itinalagang punong-abala sa kapistahan.
“Hindi rin po kaya ng aming mga puso na habang hinahagupit ng Bagyong Pepito ang mga kababayan natin sa ibang lugar sa Luzon ay itutuloy natin ang pagdiriwang.”
Gayunpaman, nilinaw ni Pascual na itutuloy sa mga susunod na araw ang Higantes Festival — “Huwag po kayong mag alala, hindi po mababalewala ang paghahanda natin at excited po kaming mapanood ang inyong mga pinaghandaan performance.
Umaasa po kami sa inyong pag unawa at ilang araw lamang ay sisigaw na tayo ng VIVA,” aniya pa.
“Antabayanan lamang po ang official announcements sa Facebook ng Angono Public Information Office, Angono Tourism, at ng ating Mayora Jeri Mae Calderon Mayor Vice Calderon. Ipagdasal po natin na sana ay umayon na ang panahon sa mga susunod na araw.”