
Ni Bernard Testa
SA paglipas ng panahon, maalala niyo pa ba si Gat Andres Bonifacio, at ang mga dakilang Pilipino, si Ka Pepe (Jose Rizal) Gomburza at Lapu-Lapu na pawang nagbuwis ng buhay para sa bayan?
Sa bayan ng Cainta, may isang Garahe (Raina Garage and Lutuan) na magsasabuhay ng mga nasimulang adhikain.
Bilang paggunita sa International Human Rights Day, nagbuklod ang ilang mga tubong Cainta na alagad ng sining sa larangan ng musika upang magbahagi ng kanilang awit ng pag-ibig sa bayan at kapwa.
Inaanyayahan ang mga may orihinal na komposisyon na dumalo at makisaya pagsapit ng ika-10 ng Disyembre.
Ang iisang layunin ni Cy Jimenez, Rancel Javier at Reymart Titong na pagbuklurin ang mga alagad ng sining mapa awit, biswal, pagtula at modernong anyo ay makikita sa kanilang bagong tambayan sa kakaibang GaRaHE, Pandayan ng Sining at Kultura.
“Bakit garahe? Gusto po namin ng isang watering hole ng singers/artists/poets na tumambay at mag buo ng mga exhibits at magbigay ng seminars sa kabataan” wika ni Rancel Javier.
“Bilang isang graphic artist sa loob ng 10 taon gusto ko pong maging inspirasyon sa mga bagong sibol na artists dito sa Cainta, ito ay totoong garahe pero ang set up po ay parang nasa salas ka lang ng bahay” dagdag pa ni Cy Jimenez
Ang Raina Garage and Lutuan ay produkto ng pandemya. Sila ay naging sumpungan ng kape at silog pero sa pagbabalik-normal ng sitwasyon, pinili ng magpinsang sina Cy at Rancel nna magbukas ng isang tahanan para sa mga alagad ng sining mula sa dakilang bayan ng Cainta.
“First time po ito sa Cainta, naikot ko na po ang mga iba’t ibang open mic venue pero dito sa Garahe ni Raina, maging tahanan po sana ito ng mga singers at poets na wala sa mainstream at sana maging isang gallery ng mga graphic designers at painters, gusto namin siyang maging hub pero sa December 10, mga mang aawit na may mga orihinal na komposisyon lang muna ang aming ihahandog.” pagtatapos ni Reymart.