SA mga nagtataka kung bakit tila lalong bumibigat ang daloy ng trapiko sa lansangan, patuloy na pagdami ng mga sasakyan sa lansangan ang dahilan, batay sa datos ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI).
Ayon sa CAMPI Inc., bahagyang bumaba ang dami ng nabentang sasakyan noong nakaraang buwan — 39,542 units, mas mataas kumpara sa 39,155 units na nabenta noong buwan ng Agosto.
Gayunpaman, nilinaw ng naturang grupo na walang bagong modelo ng mga sasakyan ang pumasok sa merkado. Anila, abala ang mga car manufacturers sa paghahanda para sa 9th Philippine International Motor Show ngayong buwan kung saan inaasahang tampok ang mga bagong modelo.
Mula Enero hanggang Setyembre, 344,307 units na ang nabentang mga sasakyan ng mga car manufacturers na anila’y 9.4 percent na mas marami kumpara sa 314,843 units na nabenta noong parehong panahon ng nakalipas na taon.
Pinakamaraming nabentang sasakyan ang Toyota Motor Philippines Corp. na nakapagtala ng 159,088 units na kumakatawan sa halos kalahati ng kabuuang bilang ng mga naisalyang oto sa nakalipas na siyam na buwan.
Pumapangalawa naman ang Mitsubishi Motors Philippines Corp. na nakabenta na ng 66,028 units simula noong Enero, mas malaki ng 14% kumpara sa benta nitong 58,065 units noong nakaraang taon.
