NI LOUIE LEGARDA
TALIWAS sa probisyong kalakip ng 1987 Constitution kung saan nakasaad ang pagbabawal sa “political dynasty,” mas yumayabong pa ang ugat ng mga makapangyarihang angkan sa mundo ng politika.
Kamakailan lang, ipinakilala si William Vincent “Vinny” Marcos bilang national chairperson ng Bangon Pilipinas Youth, na ayon sa mga kapural sa likod ng kilusan ay nagsisilbing tagpagsulong ng adbokasiyang huhulma sa kabataan para maging “proactive agents of change.”
Anak ng Pangulo si Vinny.
Sa isang kalatas, nanindigan ang batang Marcos na dapat manguna ang mga kabataan sa pagsusulong ng pagbabago sa lipunan sa bisa ng paglikha ng oportunidad para sa kinabukasan.
Bilang panimula, pinangunahan ni Vinny ang pagbubukas ng Bagong Pilipinas Youth Hub sa Mandaluyong City bilang bahagi ng Linggo ng Kabataan 2025 festivities.
