Ni ESTONG REYES
SA halagang P300,000 magagawang palabasing isang Pinoy ang mga dayuhang Tsino, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian kasabay ng batikos sa kaluwagan sa umiiral na sistema sa pagkuha ng birth certificate.
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang modus kung saan karaniwan umanong parokyano ng mga fixer na kasador ng mga tiwaling opisyal at kawani ng gobyerno ang mga Chinese nationals na nais gawing legal ang pananatili sa Pilipinas.
Gayunpaman, nilinaw ng senador na kasama na sa naturang singil ang pasaporte at driver’s license.
“Last Saturday may nakausap ako sa Chinese community na sinabi nila sa akin na ang running price pala para makakuha ng birth certificate, kasama na passport, kasama na ang driver’s license is P300,000,” wika ni Gatchalian.
“May naglalakad, magbibigay ka ng P300,000, bibigyan ka ng birth certificate, bibigyan ka passport, bibigyan ka ng driver’s license at iba pa. Yun narinig ko, apparently meron ganyang modus,” dugtong ng senador.
Bago pa man ang pasabog ni Gatchalian, una nang ibinunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mahigit sa 200 pekeng birth certificates ang na-isyu sa mga Chinese nationals mula 2018 hanggang 2019 sa Santa Cruz, Davao del Sur.
Para sa mambabatas, may sindikatong gumagalaw para sa mga Chinese nationals. Posible rin aniyang may mga tiwaling indibidwal sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang sangkot sa nabistong modus.
