Dear Camille Villar,
Mahigit isang taon naming tiniis ang iyong larawan na kahit sa pinakatagong kanto ng Pilipinas, bigla ka na lang sumusulpot sa pader, waiting shed, poste, at pinto ng tindahan.
Pulutan ka ngayon sa social media. Hindi dahil sa galing mo, kundi dahil sa pangalan mo. Sukang-suka ang bayan sa pamilyang Villar, sa dynasty na parang kabute kung magsulputan sa gobyerno, sa yaman n’yong nilalatag parang karpet sa Kongreso, at lalo na sa ina mong walking warning label ng elitismo.
Pero ayun, kahit ayaw ka ng marami, kahit walang tunay na sigaw mula sa masa para sa’yo, pinilit ka pa rin. Siniksik, isiningit, isinalaksak. Kasi ilang bilyong-piso ang tinaya para masigurong hindi ka madisgrasya. Sa laki ng gastos, parang may bundle deal pa kayong sinama: Buy Camille, free dynasty extension.
Ang tanong ngayon: Ano ang kapalit? Boto ba ng pag-asa o resibo ng puhunan?
Camille, pakiusap. Kung ayaw mong matawag na peke, kung ayaw mong ituring na dekorasyon ng oligarkiyang naghahari-harian sa Senado, patunayan mong hindi ka nanalo para sa negosyo, kundi para sa bayan.
Ayusin mo ang PrimeWater. Wag kang magbulag-bulagan habang pinapahirapan ng kumpanya n’yo ang mga Pilipino. Sa totoo lang, bago ka pa maupo, matagal nang nababasa sa reklamo ang pangalan niyo at hindi dahil sa serbisyo, kundi dahil sa kawalanghiyaan ng presyo at kalidad ng tubig.
Wag mong gawing investment opportunity ang Senado. Hindi ito showroom ng AllHome. Hindi ito launchpad ng susunod niyong venture. Hindi ito corporate trophy na pwedeng iparada sa boardroom.
Minsan naiisip pa nga naming naaawa kami sa’yo — kasi ikaw dapat ang unang Villar na matatalo sa pagka-senador. Pero naligtas ka ng bilyon. Ngayon ang tanong: Maililigtas mo ba ang dangal mo?
Hindi mo kasalanan kung kaninong tiyan ka lumabas. Pero ikaw na ang may hawak ng kapangyarihang magpasiya kung gusto mong sumunod sa yapak ng nanay mo na elitistang anti-poor, o kung kaya mong lumihis at maging boses ng tunay na pagbabago.
Hindi ka binoto para magtayo ng mas maraming negosyo. Binoto ka para magtama ng mali. Kung Senado lang ang gusto mong gawing waiting area ng mga susunod niyong expansion plans, wag kang magtaka kung ang taong-bayan mismo ang magde-demolish sa reputasyon mo.
Lubos na nananawagan,Isang Pilipinong hindi bilyonaryo pero may paninindigan.
(Editor’s Note: Halaw sa post ng Nitribun Republic (DDS sa umaga, Marcos Apologist sa tanghali, Dilawan sa merienda, Pinklawan sa hapunan, at NPA bago matulog. Depende sa panaginip niyo kagabi. O baka Pilipino lang talaga ako?)
