HINDI na nagawa pang isalba ng mga doktor sa pagamutan ang buhay ng isang ina at tatlong musmos na supling na nakulong sa naglalagablab na tahanan sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigan ng Bulacan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Senior Fire Officer Alfredo Hernandez ng Bureau of Fire Protection – Sta Maria (BFP-Sta Maria), naganap ang trahedya Huwebes ng umaga.
Kwento ni Hernandez, natagpuan ang 1-taong gulang na batang lalaki sa higaan habang ang dalawa niyang kapatid na nasa edad 3 at 6 ay nakita naman sa banyo na umiiyak at nakulong ng apoy.
Agad naman isinugod ang mga biktima sa pagamutan kung saan sila binawian ng buhay. Nasa trabaho sa Batangas ang padre de pamilya nang mangyari ang insidente.
Sa bayan ng Tuy sa Batangas, nasa P340-milyong halaga ng ari-arian ang naabo matapos tupukin ng apoy ang isang bodega.
Bukod sa bodegang pag-aari ng Philippine Fiber Optic Cable Network, damay rin sa insidente ang dalawang katabing bahay.
Ayon kay Senior Supt. Dennis Molo, Provincial Fire Marshal ng BFP-Batangas, nagsimula ang sunog alas-10:45 ng umaga at naideklarang fire under control bandang alas-11:40 ng umaga ng Sabado na naganap sa Barangay Guinhawa, nasabing bayan.
