SA gitna ng matinding alinsangan epekto ng tag-init at El Niño phenomenon, lumikha ng eksena ang isang babaeng kongresista sa kanyang kakaibang mungkahi sa mga makabagong Eba – huwag muna magsuot ng panty kung nasa bahay din lang naman.
Paliwanag ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na minsang nagsilbi bilang Kalihim ng Department of Health (DOH), ang genitalia o ari ng babae ay madaling kapitan ng fungi kapag sobrang init ng panahon.
Hirit ni Garin, huwag na muna magsuot ng underwear sa loob ng pajama, short at anumang damit na pambahay para mas may bentilasyon ang ari ng mga babae.
“Minsan lalo na nasa tag-init — wala lang malisya, ‘no? — pero kung nasa bahay ka lang naman at matutulog, it’s quite advisable na walang underwear pero naka-pajama ka naman o naka-shorts,” ani Garin sa mga kapwa babae.
Base sa pag-aaral ng mga eksperto sa larangan ng siyensya, madaling kapitan ng fungal infection ang mga pinapawisan bahagi ng katawan ng isang babae kapag nakakapit sa balat ang kasuotan.
“So hindi ‘yan sexually-transmitted disease. Yan ay dala na ‘yung normal flora sa intimate area, sa pubic area, sa perineal area ng babae. Kapag medyo basa, pinapawisan, at medyo mainit ang panahon, eh yan ay perfect petri dish para dumami yung ating fungi…Kaya siya nagiging makati,” paliwanag pa ni Garin.
“So the more you scratch, the more you will itch. ‘Wag siyang kamutin. At hindi siya nakakahawa ano. ‘Yung iba akala nila sexually-transmitted. No, it’s not.”
Gayunpaman, agad na pinawi ni Garin ang agam-agam ng mga kababaihan sa kanyang pangwakas na hirit – “ang importante ay may gamot naman yan pero kailangan mapanatili natin tuyo ang sensitibong parte ng katawan ng isang babae.”
