
TALIWAS sa mga nakalipas na halalan, hindi na umubra ang pagiging sikat lalo pa’t kinabukasan ng bayan ang nakataya.
Batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec), karamihan ang mga sikat na personalidad sa telebisyon at maging larangan ng palakasan, hindi lumusot sa nagdaang halalan.
Kabilang sa mga luhaan sa pagtatapos ng bilangan sina Bong Revilla, Willie Revillame, Philip Salvador, Manny Pacquiao, at Jimmy Bondoc na pawang kandidato sa posisyon ng senador.
Hindi na rin umubra ang pangiti-ngiti ni Congressman Dan Fernandez matapos talunin ng isang dating mamamahayag sa gubernatorial race sa Laguna.
Talo rin sa pagka bise-gobernador ng Batangas si Luis Manzano at Jorge Jerico Ejercito ng Laguna. Bigo rin makapasok bilang provincial board member ng Benguet si Roi Vinzons.
Nangamote naman sa pagka-congressman sina Marco Gumabao (Camarines Sur, 4th District), Ejay Falcon (Oriental Mindoro, 2nd District), Lino Cayetano (Pateros, Taguig City), at Rey Malonzo (Caloocan City, 1st District).
Bigo naman sa pagka-mayor sina Raymond Bagatsing (Maynila), Sam Verzosa (Maynila), Philip Cezar (San Juan), Victor Neri (Makati), Emilio Garcia (Bay, Laguna), Dj Durano (Sogod, Cebu), Arnold Vegafria (Olongapo, Zambales), at Bobet Vidanes (Pililia, Rizal).
Gayundin sa pagka-vice mayor sina Monsour Del Rosario (Makati), Angelika Dela Cruz (Malabon), Anjo Yllana (Calamba, Laguna), at Yul Servo (Maynila).
Laglag din sa posisyon ng pagiging konsehal sina Ara Mina (Pasig City, 2nd District), Shamcey Supsup Lee (Pasig City, 1st District), Marjorie Barretto (Caloocan City, 1st District), Dennis Padilla Baldivia (Caloocan City, 2nd District), Enzo Pineda (Quezon City, 5th District), Ali Forbes (Quezon City, 4th District), Maria Isabel Viduya o Priscilla Almeda (Parañaque City, 1st District), Ryan Yllana (Parañaque City, 2nd District), Mocha Uson (Manila, 3rd District), Bong Alvarez (Manila, 3rd District), Neil Coleta (Dasmariñas, Cavite), at Aljur Abrenica (Angeles City, Pampanga).