SA gitna ng kabi-kabilang alegasyon, imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwali sa pamahalaan, sumingaw ang kakaibang paggastos ng pondo ng Social Security System (SSS).
Sa 2024 audit report ng COA, partikular na pinuna ang SSS sa pagbili ng 143,424 rolls ng tissue paper sa halagang P13.195 milyon noong 2024.
Ayon sa COA, sobra sa dalawang buwang supply ang biniling tissue paper, at 116,046 rolls ang nanatili pa rin sa supplier. Ang dahilan — walang espasyong pwedeng paglagyan sa tanggapan ng nasabing ahensya.
“The supply exceeded the agency’s two-month requirement; and a total of 116,046 rolls remained at the supplier’s custody without any agreement due to lack of policy on procurement of supplies and equipment,” ayon sa state auditor.
Napag-alaman din mula sa supplier na tanging verbal agreement lamang ang basehan ng transaksyon. Wala rin umanong sapat na dokumentasyon o memorandum of understanding.
“Further verification with the supplier revealed that the arrangement with SSS was based solely on a verbal agreement, without any support documentation or formal memorandum of understanding,” anang COA.
Para sa COA, mas mainam kung ang halagang ginastos sa tissue paper at ginamit na lang para sa 2,000 pensioner o makapagbigay ng funeral benefits sa 650 yumaong miyembro.
Bukod sa tissue paper, binanggit din ng COA ang halos P3 milyon underpayment sa funeral benefits at P24.811 milyong overpayment sa mga yumaong pensyonado.
