NI JIMMYLYN VELASCO
CAINTA, Rizal — Para kay former Ilocos Sur Governor Chavit Singson, napapanahon nang lusawin ang mga programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang dahilan – ginagamit ng mga politiko sa katiwalian at interes sa politika.
Sa pagdalo sa taunang Sumbingtik Festival, nilinaw ni Singson na hindi dapat pabayaan ng pamahalaan ang hanay ng mga manggagawang pasok sa kategorya ng “minimum wage earners.”
Sa sandaling mahalal sa pwesto bilang senador, unang ihahain ni Singson ang panukalang Universal Basic Income bill na magsusulong ng P500 buwanang subsidiya para sa mga minimum wage earners sa buong bansa.
Kasama ang anak na si Rep. Richelle Singson ng Ako Ilocano Ako, sinalubong ni Mayor Elen Nieto at iba pang lokal na opisyal ang dating gobernador na kabilang sa mga aspirante sa posisyon ng senador para sa nalalapit na 2025 midterm election sa Mayo ng susunod na taon.
Sa isang panayam, nilinaw ni Singson na hangad niya sa pagtakbo bilang senador ang ibahagi ang kaalaman at kakayahan isulong ang isang maunlad na bansa tulad aniya ng kanyang ginawa sa Ilocos Sur.
Ayon kay Singson na nagsilbing pangulo ng Governors League, isa aniya sa mga pinakamahirap na probinsya at sentro ng karahasan ang Ilocos Sur.
“Isa sa pinaka pobreng lalawigan ang Ilocos Sur noon. Pero tignan nyo ngayon ang probinsya namin — panglima na sa pinakamayaman sa buong Pilipinas. Hindi na rin magulo tulad ng dati,” wika ni Singson na nagsilbing punong lalawigan mula 1972 hanggang 1986, mula 1992 hanggang 2001 at mula 2004 hanggang 2007.
Pag-amin ni Singson, hangad lang niya sa kandidatura ang tulungan ang bansa sa bisa ng mga panukalang batas na magbibigay daan sa kaunlaran hindi lang ng pamahalaan kundi maging ang mga mamamayan.
“Anong silbi sa tao kung gobyerno lang ang may pera. Dapat kasabay ng kaunlaran ang pagtaas sa antas ng kabuhayan ng mga mamamayan.”
Samantala, inihayag ni Singson ang nalalapit na pagsipa ngayong buwan ng Banko ng Masa kung saan lahat ng Pinoy na nasa hustong gulang pwede nang magbukas ng bank account nang hindi na kailangan pang maglagak ng initial deposit.
“Sa telepono nyo lang, pwede niyo na i-download ang V Bank. Fill-up nyo lang yung form… hindi na kailangan dumaan sa komplikadong proseso. Walang documentary requirements… selfie lang ayos na,” paliwanag ni Singson.
Sa datos ng senatorial aspirant, nasa 77 percent ng mga Pinoy na nasa hustong gulang ang hindi makapag bukas ng bank account dahil sa dami ng requirements.
