Ni ESTONG REYES
SA gitna ng Senate inquiry sa tinaguriang PDEA Leaks, tumestigo ang mga drug examiners na nagsagawa ng drug test sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre 2021. Ang resulta – negatibo sa paggamit ng cocaine ang Pangulo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kinumpirma ng dalawang eksperto mula sa St. Luke’s Medical Center na nakabase sa Bonifacio Global City sa Taguig na “negative” ang noo’y presidential candidate batay sa resulta ng isinagawang drug test.
“As to the analysis, may lumabas po na line. Sa drug test kit natin, meron doon control line at saka yung line for the drug analyte. Doon sa resulta, may lalabas po talaga siya na line as negative,” wika ni drug analyst Geresza Reyes, na lumagda sa drug test report noong 2021.
Bukod kay Reyes, sumalang din sa pagdinig ang Dr. Cecilia Lim na tumatayong drug testing laboratory head ng naturang ospital.
Ayon kay Dr. Lim na nakapirma rin sa resulta ng drug test result ng Pangulo, lumabas ang resulta ng pagsusuri dalawang minuto at 54 segundo matapos kuhanan ng specimen si Marcos.
“Yung two minutes and 54 seconds, kaya po talaga ng drug testing kit. Mabilis pong lumabas ang resulta. Yung sinasabi nila na five minutes, yun ang maximum time na ina-allow namin na lumabas ang line ng drug test. Kapag lumabas ang linya, hindi na mawawala yun, negative na kayo,” paliwanag ng doktor.
Nobyembre 2021 nang boluntaryong sumailalim ang noo’y presidential candidate na si Marcos bunsod ng mga pasaring ni former President Rodrigo Duterte hinggil sa isang di pinangalanang kandidatong aniya’y nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Gayunpaman, nilinaw ni Dr. Lim na cocaine traces lang ang saklaw ng pagsusuri – hindi kasama ang shabu, marijuana at iba pang uri ng droga.
“Yun po ang hiningi ng pasyente, si Marcos po.”
