Ni Estong Reyes
PINANIGAN Senador Robin Padilla ang posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr, hinggil sa isyu ng pagpasok ng sa Pilipinas ng International Criminal Court (ICC) upang paiimbestigahan si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa sinasabing “crimes against humanity.”
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Padilla na kanyang sinusuportahan ang posisyon ng Palasyo sa naturang usapin na matagal na sanang natuldukan nang bumaklas ang Pilipinas sa Rome Statute.
“ Ang pahayag na ito ay patungkol sa aking pagtindig sa likod ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas – ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – pagdating sa usapin ng pagpasok ng International Criminal Court (ICC) sa ating bansa upang magsagawa ng kung anumang imbestigasyon,” giit ni Padilla.
Aniya, matagal na sanang natapos ang usapin nang bumaklas ang Pilipinas bilang miyembro ng ICC sa panahon ni dating Pangulong Duterte, ”kung kaya’t hangad nating matuldukan na ang isyung ito.”
“Wala po itong idinudulot sa ating mga kababayan kundi kalituhan,” aniya.
Sa puntong ito, hinihikayat ko ang ating mga kababayan na makiisa sa desisyon ng ating pamahalaan na naglalayong itaguyod ang isang malayang Pilipinas.
Naunang hindi sumang-ayon ang Marcos administration sa imbestigasyon ng ICC dahil wala na itong jurisdiction sa Pilipinas sa pagkalas bilang miyembro sa naturang lupon.
Noong Marso 2018, pinabawi ni Duterte ang Pilipinas bilang miyembro ng Rome Stature na lumikha sa ICC.
Sinimulan ni ICC Prosecutor Fatou Bensouda ang pagsasagawa ng preliminary examination laban kay Duterte hinggil sa reklamo ng pamilya ng biktima ng madugong drug war noong nakaraang administrasyon.
Bukod kay Duterte, kasangkot sa iimbestigahan si dating Justice Secretary Vitallano Aguirre, dating PNP chief ngayon Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ang hepe na nagpatupad ng madugong drug war.
Mahigit 20,000 ang namatay sa drug war alinsunod sa naitala ng international human rights group kabilang ang ilang inosenteng menor de edad na kundi man napatay sa engkuwentro, kundi direktang nilikada ng pulisya tulad ni Kian Delosa Santos sa Caloocan City.
Kamakailan, tinalakay ng House of Representatives (HOR) ang House Resolution (HR) Nos. 1393 at 1477, na humihiling sa Philippine government na makipagtulungan sa ICC hinggil sa imbestigasyon laban kay Duterte sa reklamo sa madugong war on drugs.