MAGBIBIGAY ng maraming oportunidad sa trabaho para sa mga senior citizens at persons with disability (PWD) ang lokal na pamahalaan ng Angono.
Ito ang tiniyak ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon matapos lagdaan ang ordinansa na nag-aatas sa mga fast food chains sa bayan na magbigay ng pansamantalang trabaho sa mga kuwalipikadong senior citizens at PWDs.
Ito rin ay bahagi ng social amelioration program ng munisipalidad.
Sa ilalim ng nasabing ordinansa, ang bawat fast food corporation ay kailangang kumuha ng dalawang senior citizens at isang PWD na kikita ng minimum wage.
Kailangan din umanong magtrabaho ang mga ito ng hindi bababa sa apat na oras, apat na beses sa isang linggo. Tatagal din ang kanilang trabaho ng hindi bababa sa anim na buwan, ayon pa sa ordinansa.