KAWALAN di umano ng bidding na kalakip ng mga malalaking proyekto ng gobyerno ang nagtulak sa isang residente ng Bulacan sampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman si Governor Daniel Fernando.
Partikular na tinukoy ng isang nagngangalang Francisco Balagtas ang P500-milyong halaga ng kontratang iginawad ng pamahalaang panlalawigan sa TCSC Corporation para sa Bulacan River Restoration Project.
Bukod kay Fernando, swak din sa asuntong inihain sa Ombudsman si Vice Gov. Alex Castro at mga corporate executives ng TCSC na sina Dionisio Toreja at Engr. Bernie Pacheco.
Batay sa sinumpaang salaysay ni Balagtas, nagsabwatan di umano sina Fernando, Castro at mga TCSC executives para masungkit ang proyekto kahit walang bidding.
Giit ni Balagtas, tahasang nilabag ng gobernador at iba pang inasunto ang Section 3 ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Sa sinumpaang salaysay ng nagreklamo, hindi naman aniya kailangan gumastos ng kalahating bilyon ang probinsya kung tinanggap lang di umano ni Fernando ang alok na libreng dredging ng San Miguel Corporation (SMC).
Wala pang pahayag si Fernando at TCSC hinggil sa nasabing kaso.
