KALABOSO sa pinagsanib na operasyon ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Immigration (BI) ang isang Canadian national na nagpuslit ng P9.6-bilyong halaga ng droga sa lalawigan ng Batangas.
Kinilala ang suspek sa pangalang Thomas Gordon Quinn, na di umano’y kasama sa wanted list ng International Police Organization (Interpol).
Sa ulat ng pulisya, nadakip ang suspek habang nagpapamasahe sa isang massage parlor sa Barangay Maitim, Tagaytay City sa lalawigan ng Cavite. Si Quinn ang sinasabing kapitan ng yate na nagdala ng toneladang shabu sa bansa.
Bago pa ang matagumpay na pagdakip kay Quinn, Una na niyang natakasan ang operatiba noong Abril 19 sa bayan ng Nasugbu, Batangas – ilang araw matapos masabat sa checkpoint na inilatag ng PNP ang isang van kung saan lulan ang tone-toneladang shabu.
Nahaharap ang banyaga sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
