Ni EDWIN MORENO
ARESTADO sa pinagsanib na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang 42-anyos na big-time drug dealer sa isang operasyon kontra droga sa lungsod ng Zamboanga.
Sa ulat ng PDEA Regional Office, kinilala ang suspek sa pangalang Alnasher Jumdain Mudah na nakunan ng 16 kilo ng drogang katumbas ng halagang P108 milyon.
Sa imbestigasyon, lumalabas na nakumbinsi ng PDEA si Mudah na kabilang sa talaan ng mga high-value target ng ahensya, na makipagkita sa isang operatiba ang suspek sa Barangay Canelar para isakatuparan ang napagkasunduan transaksyon.
Pagkatapos iabot ang kontrabando, agad na dinakma ang suspek.
Kasalukuyang nakapiit sa PDEA Custodial Facility ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Bago pa man ang matagumpay na operasyon, una nang dinakip ng pinagsanib na pwersa ng PDEA at pulisya ang apat na iba pang pinaniniwalaang bigtime drug dealers na nakunan ng 21 kilo ng shabu (katumbas ng P145.5 milyon) sa Barangay Mampang.
