HINDI pa man natutugunan ng gobyerno ang suliranin sa price manipulation sa bigas at gulay, sumipa naman ang biglang pagtaas sa presyo ng karne ng baboy sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Suspetsa ni Agriculture Undersecretary Deogracias Savellano, kagagawan ng mga sindikato sa likod ng price manipulation ang biglang sirit sa halaga ng bentahan ng baboy sa 17 lokalidad sa National Capital Region (NCR).
“Meron kasing traders na nagte-take advantage,” wika ni Savellano.
Bunsod ng hindi inaasahang price adjustment, bumuo ng task force ang Department of Agriculture (DA) para imbestigahan ang dagdag-presyo sa kabila ng sapat na supply sa bansa.
Sa price monitoring report ng kagawaran, lumundag sa P420 kada kilo ang halaga ng baboy mula sa dating P380 – katumbas ng P40 dagdag presyo.
Sa ilalim ng Bantay Presyo ng kagawaran, dapat nasa P360 hanggang P400 lang ang kada kilo.
