SA halip na bumitbit ng tao papasok ng kulungan, walong pulis ang biniyabit ng mga kabaro papasok ng piitan matapos maunsiyami ang planong tokhang sa isang lalaki sa Barangay Ransohan sa lungsod ng Lucena, lalawigan ng Quezon Biyernes ng madaling araw..
Kasong domicile, grave threats, at unjust vexation ang inihain ng 52-anyos na ginang na di umano’y pinasok, tinakot at tinutukan ng baril ng mga pulis na kinabibilangan nina Capt. Aaron Agbaya Herrera, PSMS Richie Ledesma Yuayan, PSSg Henry Mascariña Mago, PCpl Rainier Reyes Zaballa, PCpl Allan Daluz Abdon, PCpl Wilson Peñaverde Bantilan, PCpl Rene John Martinez Bartolata, at PSSg Junar Cabuyao Cabalsa.
Sa reklamo ng ginang, dakong alas 3:00 ng madaling araw nang pwersahang wasakin ng mga pulis ang pinto ng kanilang tahanan. Pagdating sa loob, agad aniyang tinutok ng mga pulis ang baril sa kanya, pinadapa at saka hinanap ang kanyang live-in partner.
Matapos halughugin ang bahay, agad na lumisan ang mga pulis, kwento pa ng ginang na agad namang nagtungo sa himpilan ng Lucena Police Station para maghain ng reklamo laban sa raiding team.
Katwiran ng mga pulis, isang lehitimong drug operation di umano ang isinagawa sa Barangay Ransohan kung saan target di umano ang asawa ng nagreklamong ginang.
Kumbinsido naman ang ginang na sadyang pinuntirya ang kanyang asawa matapos humarap sa congressional hearing kung saan isinangkot ang mga pulis sa kabi-kabilang karahasan noong nakaraang barangay at SK election.
Sa kaugnay na balita, sinibak na rin sa pwesto ni Quezon Provincial Police chief Col. Ledon Monte si Lucena Police chief Lt. Col. Reynaldo Reyes dahil sa bulilyyaso ng mga alipores.
