KUMPLETOS rekados ang mga makabagong kagamitang dinatnan ng tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos salakayin ang isang bahay sa Talisay, Cebu kung saan bistado ang pagdidisenyo, paglilimbag at pagbebenta iba’t ibang government IDs.
Kasama ang mga opisyales ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sinamsam mula sa “mini-pabrika” sa Barangay Lagtang ang sandamakmak na palsipikadong Taxpayer Identification Number (TIN) at PhilHealth cards, gayundin ang mga computers, printers at laminators na ginagamit sa pamemeke ng government IDs.
Timbog din sa nasabing operasyon ang isang suspek na kinilala sa pangalang Geraldine Tausa na di umano’y miyembro ng sindikato sa likod ng nagkalat ng pekeng government IDs.
Sa imbestigasyon ng NBI, nagpapalipat-lipat di umano ang naturang grupo sa hangaring makaiwas sa bulilyaso. Bilang dagdag-proteksyon sa chat, text at tawag sa telepono lamang nangyayari ang transaksyon habang online payment naman ang paniningil.
Ang mga pekeng government IDs pinapadeliver lang din di umano sa pamamagitan ng pagbu-book ng courier service.
“The creation and distribution of fake government IDs not only undermine the integrity of our identification system but also facilitate the proliferation of fraudulent activities that can harm many individuals. We are committed to rooting out these illegal operations and bringing those responsible to justice, ” pahayag ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr.
Pag-amin ng mga operatiba, kopyang-kopya ng naturang sindikato ang ID na karaniwang iniisyu ng gobyerno – maliban lamang sa QR code na tampok ng mga bagong government-issued IDs
