Ni LILY REYES
SA nakalipas na pitong buwan, higit na marami ang bilang ng mga insidente ng sunog sa Metro Manila, pag-amin ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) sa isang pulong-balitaan.
Sa datos ng ahensya, pumalo sa 2,457 ang naitalang sunog mula Enero hanggang Hulyo ng nakalipas na taon, na ayon kay BFP-NCR chief Supt. Nahum Tarroza ay di hamak na mas mataas kumpara sa 2,171 insidente noong unang pitong buwan ng nakaraang taon.
Kabilang aniya sa mga talaan ang 1,127 ang structural fire, 1,219 non-structural, at 111 vehicular fire incidents.
Nasa 35 namang indibidwal ang nasawi habang nasa 330 ang nasaktan kabilang ang 296 sibilyan at 34 bumbero.
Paglalahad ni ni Tarroza, meron lamang aniyang 3,573 bumbero ang BFP-NCR para sa mahigit 14 milyong mamamayan sa 17 lokalidad ng Metro Manila.
Giit ng BFP-NCR chief, malayo sa ideal ratio na isa sa kada 2,000 residente ang bilang ng BFP personnel sa rehiyon.
Bukod sa mga kawaning pamatay-sunog, kapos din aniya ang 166 fire trucks sa Metro Manila. Gayunpaman, katuwang ng BFP-NCR sa pagsupil sa mapaminsalang apoy ang 832 volunteer fire trucks.
Taong 2023 nang ihayag ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalaan ng P1.737 bilyon para sa modernisasyon ng BFP.
