KUMBINSIDO ang Philippine National Police (PNP) na hindi pa nakakalabas ng bansa si dating Presidential Spiritual Adviser Apollo Quiboloy, batay sa mga nakalap na impormasyon.
Ayon kay Brig. Gen. Nestor Torre na tumatayong hene ng Davao regional police, nagtatago lamang di umano sa 30-ektaryang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Barangay Buhangin sa Davao City si Pastor Apollo Quiboloy.
Pag-amin ni Torre, sadyang pahirapan lamang di umano ang pagdakip sa puganteng KOJC founder na aniya’y kuma-kasangkapan sa mga kapanalig bilang “human shield” para hindi makapasok ang mga pulis na may bitbit ng mandamiento de arresto mula sa husgado.
“Nandiyan siya, ginagamit lang niya ang mga tao para i-shield siya. Based on the information that we have, we are inclined to really believe na nandyan siya”, wika ng hepe ng Davao regional police.
Hunyo 10 nang sadyain ng mga operatiba ang KOJC Compound sa Davao City para sa pagsisilbi ng warrant of arrest. Gayunpaman, bigo ang mga operatiba maisakatuparan ang pakay sa naturang lugar matapos harangan ng daan-daang KOJC memberrs ang entrada papasok ng 30-ektaryang compound kung saan nagtatago si Quiboloy.
Aniya, patuloy ang ginagawang beripikasyon ng pulisya sa mga pumasok na impormasyon sa hotline matapos maglabas ng P10-milyong pabuya ang Department of Interior and Local Government (DILG).
Hamon ni Torre kay Quiboloy – “Kung talagang inosente ka, submit yourself to the rule of law. Surrender kayo sa judge. Dalhin ninyo ang napakagaling ninyong abogado.”
