NI HERNAN MELENCIO
HINDI na nakagugulat, pero sobrang nakababahala na ang ginagawa ng mga demonyong nagpapanggap na tao sa Israel. Okey sige, hindi nababahala ang marami sa atin dito sa Pinas dahil hindi naman nila nararamdaman ang nararanasan ng mga Palestinong minamasaker halos araw-araw ng mga sundalong Israeli at ginugutom, ikinukulong nang walang sakdal, pinahihirapan at nirereyp.
Pero dapat tayong maiskandalo sa gustong mangyari ng mga pasistang Israeli na gawing patakaran ng gobyerno ang paggahasa sa mga nakakulong na Palestino. May 10,000 Palestino ang kinidnap at ikinulong ng mga sundalong Israeli pagkatapos ng Oktubre 7, at karamihan dito (may mga bata ring nakakulong) eh ni walang kasong kinakaharap. Basta na lang sila pinagpupulot sa kalsada o sa mga bahay nila at ikinulong nang wala man lang pasabi sa mga kamag-anak na di malaman kung saan sila hahanapin.
Yung mga sinuwerteng pinakawalan (dahil umaapaw na ang kulungan at may mga bagong huli ang mga pasistang sundalo) pagkatapos nang maraming buwan, ang nagkwento kung paano sila pinahirapan, ginutom at sinalaula. May mga ulat din ng mga babae at lalaking pinareyp sa aso o nireyp ng sundalo mismo. Walang iniwan sa mga pang-aabuso ng mga sundalong kano sa mga bihag na Arabo sa Abu Ghraib noong gyera sa Iraq noong 2003. Huwag kayong maniwala sa akin, magsaliksik lang kayo sa Internet at malalaman ninyo ang katotohanan.
Katunayan, mismong ang Channel 12 ng Israeli TV ang naglabas ng bidyo ng gang rape ng mga sundalong Israeli sa isang detenidong Palestino. Naeskandalo kuno ang Estados Unidos, na siyang taga-armas at amo ng Israel, at inutusan kunyari ang tuta nito na mag-imbestiga. Siyam na sundalong Israeli na may kinalaman sa reyp ang hinuli’t ikinulong.
Pero di nagtagal, isang grupo ng mga sigang Israeli, na pinangunahan ng mga pasistang miyembro ng Knesset, ang sumugod sa kulungan sa disyerto ng Negev, nagwala, sinira ang kulungan at pilit na pinakawalan yung mga sundalong itinuturing nilang “bayani.” May karapatan umano ang mga itong manggahasa ng mga Palestino.
Kalaunan pinakawalan din ng gobyerno ang mga sundalo. Ang nakadidismaya nang husto, nagsarbey ang Channel 12 sa mga mamamayan at 47 porsyento ang pabor sa “karapatang manggahasa” at 45 porsyento ang hindi. Sinasalamin nito ang lalim ng impluwensiya ng pasismo sa lipunang Israeli.
Sa isang normal na lipunan, hindi na pinagtatalunan kung tama bang gahasain ang mga prisonero. Walang disenteng gobyerno ang hayagang aamin na ginagawa nila ito. Pero hindi normal ang Israel. Sa sobrang abnormal nito, idinaan nila sa DEBATE ang “karapatang manggahasa” ng mga sundalo. Nagdebate sila sa Channel 12 TV at doon, mapapanood kung paano iginiit ng isang “peryodista” na dapat gawing institusyon ang panggagahasa ng mga detenido, may kaso man o wala. May bidyo rin ang isang sundalong umaming nagpahirap siya ng mga detenido, kasama na yung pagpasok ng tubo sa puwit ng mga ito. At pinagmalaki pa niya ito.
Suportado sila ng mga pasistang pulitikong tulad nina National Security Minister Itamar Ben-Gvir at Finance Minister Bezalel Smotrich, mga kasangga ni punong pasistang Benjamin Netanyahu. Kung si Ben-Gvir ang masusunod, gusto niyang huwag pakainin at pagpapatayin na lang ang mga detenido para lumuwag ang kulungan.
Ang katwiran ng mga nagsusulong ng “karapatang manggahasa” eh ganti raw nila ito sa ginawang panggagahasa ng mga kasapi ng Hamas sa mga babaeng Israeli noong Oktubre 7, bagay na malaon nang pinabulaanan ng maraming indipendiyenteng pananaliksik sa Estados Unidos at UK.
Maging ang UN at mismong mga dyaryo sa Israel ang nagsabing walang ebidensya ng malawakang reyp ng Hamas noong Oktubre 7. Ginawa lang itong sandata (weaponize) ng Israel para bigyang katwiran ang malawakang pagmasaker ng mga Palestino.
Totoong may mga pinatay na Israeli ang mga kasapi ng Hamas noong Oktubre 7, pero walang nakitang ebidensya ng pinatay na 40 bata at ginahasang mga babae ang mga imbestigador ng UN. Ang malinaw, maraming pinatay na mga mamamayan at sundalong Israeli ang Israel Defense Force dahil sa ipinatutupad na Hannibal Directive. Batay sa direktibang ito, na hindi itinatanggi ng Israel, pwedeng patayin ang mismong mga sundalong Israeli para hindi sila makuha ng mga kaaway at maiwasan ang palitan ng mga bihag.
Samantala, patuloy ang genocide sa Gaza. Nitong nakaraang linggo lang, limang eskwelahang tinitigilan ng mga bakwit ang binomba ng Israel na ikinamatay ng mahigit 100 katao, karamihan ay mga bata.
Mga pira-pirasong parte ng katawan ang pinulot ng mga tao at inilagay sa mga bag. Marami pang mga bangkay ang nakabaon sa guho. Sinasadyang gawing “normal” ng Israel ang mga pambobombang ito para “masanay” na ang mga tao at di na magreklamo. Harap-harapang nangyayari ang terorismong nasasaksihan ng lahat sa pamamagitan ng social media, at walang magawa ang mundo kundi manlumo.
