SA bisa ng mandamiento de arresto na inilabas ng quad committee ng Kamara, naglunsad ng malawakang “manhunt” ang Philippine National Police (PNP) kay former Presidential Spokesperson Harry Roque dahil sa hindi pagsipot sa patawag ng Kamara.
“The PNP is now fully engaged in the manhunt for Atty. Harry Roque, and we are coordinating closely with the National Capital Region Police Office and the Criminal Investigation and Detection Group to ensure his swift apprehension,” saad sa isang pahayag ni Laguna Rep. Dan Fernandez na tumatayong co-chairperson ng quad committee.
Una nang tinungo ng mga pulis ang law firm ni Roque sa Antel Corporate Center sa Makati City para sa paghahain ng warrant of arrest laban sa dating opisyal ng Palasyo.
Gayunpaman, bigo ang PNP abutan ang wanted na abogado. Tumanggi rin ang mga tauhan ni Roque lagdaan ang sipi ng warrant laban sa kanilang amo.
Nai-cite in contempt si Roque sa ikalawang pagkakataon dahil sa kabiguan magsumite sa quad comm ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), ang rekord ng Biancham Holdings na pagmamay-ari ng kanyang pamilya, at deed of sale ng nabiling ari-arian sa Parañaque City.
“This kind of defiance cannot be taken lightly, as it underscores the seriousness of the allegations against him. We will pursue this matter through all available legal avenues until justice is served,” wika ni Fernandez.
Samantala, binuweltahan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si Roque matapos nitong akusahan ang quad committee na sinira ang kanyang pamilya matapos na kwestyunin ang joint bank account nila ng kanyang executive assistant.
“Wala kaming sinirang pamilya. Hindi naman kami yung gumawa nung joint account ninyo tapos ngayon sasabihin kami ang nangwasak sa pamilya mo…Hindi po kami ang sumira, tanungin mo ang sarili mo,” giit ni Barbers na tumatayong lead chairman ng quad committee.
Nakaladkad ang pangalan ni Roque sa operasyon ng illegal POGO matapos mabistong siya ang abogado ng sinalakay na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
