NI EDWIN MORENO
KABIGUAN sa pagsasakatuparan sa pangako sa mga Pasigueño ang nagtulak sa dalawang kaalyadong konsehal na lisanin ang kampo ni reelectionist Pasig City Mayor Vico Sotto.
Sa isang pulong-balitaan, pormal na inihayag nina Konsehal Ram Cruz at Bobby Hapin ang pagbawi ng suporta kay Pasig City Mayor Vico Sotto.
Anila, 2019 nang mangako si Vico na isulong ang programang pangkalusugan sa bisa ng pagtatayo ng karagdagang health centers, libreng gamot at serbisyo-medikal para sa mga maralitang Pasigueño.
Gayunpaman, wala di umano maski isang haligi man lang ng mga ipinangakong dagdag-health centers ang naipatayo sa nakalipas na anim na taon.
Bukod sa usapin ng kalusugan, pinangakuan din umano ng alkalde ang mga mag-aaral sa Pasig City ng libreng uniporme, sapatos at school supplies — “Sa ibang lungsod sa Metro Manila, Mayo pa lang tapos na ang pamamahagi ng mga kailangan ng mga estudyante… bakasyon na pero ngayon pa lang magsusukat ng sapatos.”
Hindi rin umano totoong galit sa katiwalian si Vico. Katunayan anila, karaniwang pagbibitiw lang sa pwesto ng nakaupong alkalde ang mga itinalagang opisyales sa tuwing nadadawit sa bulilyaso – tulad umano ng kaso ng isang Philip Camposano na una nang napabalitang kumakamada ng tinaguriang “troll farm” na ang tanging trabaho’y magpalaganap ng fake news sa pagnanais gibain ang kalaban sa pulitika.
“Kapag kaalyado ang sangkot sa anomalya, pinagbibitiw lang sa halip na kasuhan.”
Paglilinaw nina Cruz at Hapin, ang kanilang pagkalas kay Vico ay hindi nangangahulugan na sila’y lulundag sa kabilang kampo.
“Tuloy kami sa Mayo 2025, pero this time as independent candidates.”
