SA gitna ng hidwaan sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at Vice President Sara Duterte, 65 pulis mula sa Davao ang inilipat ng destino — malayo sa baluarte ng pamilya ng pangalawang pangulo.
Gayunpaman, nilinaw ni Major Catherine dela Rey na tumatayong tagapagsalita ng Davao Regional Police Office na walang kinalaman sa sigalot ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa ang paglilipat ng mga pulis sa Luzon.
Sa direktibang pirmado ni PNP Acting chief directorial staff Alan Okubo, nakatakdang dalhin ang 65 pulis Davao sa Cagayan Valley, Mimaropa, Cordillera at Bicolandia.
Ani dela Rey, bahagi ng tinawag niyang “regular assignment and reassignment” ang paglilipat ng destino ng 65 pulis Davao.
“So kung natatandaan nyo, marami sa mga pangalan ng pulis na inilipat ng assignments ay sangkot sa mga bulilyasong police operations at yaong mga sangkot sa double entry sa blotter at mga may nakabinbin kaso,” ani dela Rey sa wikang bisaya.
Katunayan aniya, matagal na nilang hinihintay ang sagot sa kanilang kahilingan na dalhin sa Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Crame ang mga sablay na pulis na nasa Davao region.
Panawagan ni dela Rey sa publiko, huwag iugnay ang “reassignment” sa pulitika.
