SA gitna ng agam-agam kaugnay ng hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China, tiniyak ng pamunuan ng Kamara ang suporta ng Kongreso sa mga mamamayan sa island municipality ng Pag-asa sa lalawigan ng Palawan.
Sa isang mensaheng hatid ni House Foreign Affairs Committee chairperson Rep. Rachel Arenas, nangako si House Speaker Martin Romualdez na pinagtutuunan ng Kamara ang pangangalaga at pagpapabuti sa kalagayan, kabuhayan at kaunlaran sa naturang bayan.
Kamakailan lang, binisita ng delegasyon ng mga mambabatas mula sa mababang kapulungan ang bayan ng Pag-asa kung saan namahagi ng ng food at grocery packs para sa nasa 230 residente — kabilang ang military at uniformed personnel.
“Alam ko ang mga hamon ng buhay dito – ang distansya mula sa pangunahing mga lungsod, ang kakulangan sa mga pasilidad, at ang hirap ng pagharap sa araw-araw na pangangailangan. Ngunit sa kabila nito, nananatili kayong matatag,” pahayag ni Romualdez.
Para sa lider ng Kamara, higit na angkop suklian ng gobyerno ang katatagan ng mga naninirahan sa Pag-asa Island na bahagi ng Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea at isa sa pinakamalaking Philippine-occupied feature sa Spratly Islands.
Sa mga nakalipas na panahon, naging simbolo ng paninindigan at soberanya ng bansa ang isla ng Pag-asa na pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone, alinsunod sa pinagtibay na panuntunan sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).
“Kaisa ninyo kami sa gobyerno sa layuning gawing mas maayos at mas maginhawa ang inyong pamumuhay. Sa suporta ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tuluy-tuloy ang mga proyekto para sa isla – ang pagpapatayo ng rural health unit at mga bagong pasilidad,” ani Romualdez.
“Huwag po kayong mag-alala; ang inyong mga boses ay naririnig sa Kongreso. Ang inyong mga pangangailangan ay aming ipinaglalaban.” (Romeo Allan Butuyan II)
