KASUNOD ng pag-upo sa pwesto ng bagong Kalihim ng Presidential Communications Office (PCO), naglabas ng direktiba si Executive Secretary Lucas Bersamin sa lahat ng mga political appointees sa ilalim ng naturang departamento.
Ang utos ni Bersamin — resign muna lahat ng mga itinalagang Undersecretaries, Assistant Secretaries, Director at iba pang posisyon sa mga kawanihan at iba pang tanggapan sa ilalim ng PCO.
Paliwanag ng Palace official, layon ng direktiba bigyang-laya si Press Secretary Jay Ruiz bumuo ng sariling koponan para sa implementasyon ng mga proyekto, programa at polisiya ng PCO.
Gayunpaman, nilinaw ni Bersamin na tuloy pa rin dapat aniya ang trabaho ng mga opisyales matapos magsumite ng “courtesy resignation.”
