HIGIT na kailangan sa bigyan ng boses sa senado ang sektor ng kababaihan, ayon kay Las Piñas Rep. Camille Villar na kabilang sa mga pambato ng administrasyon bilang senador sa nalalapit na halalan.
Sa isang kalatas, ibinida ni Villar ang mga panukalang batas na naglalayong isulong ang proteksyon at kapakanan ng mga kababaihan sa panahon ng panunungkulan bilang kongresista sa Kamara.
Kabilang aniya sa mga legislative proposals na inihain sa Kamara ang House Bill 10697 (Pregnant Women Welfare Act) na nagsusulong ng “flexible work arrangements” kung hindi man “work-from-home set-up” sa loob ng isang taon — mula sa pagbubuntis, pagsisilang at pagsapit ng ikatlong buwan ng iniluwal na sanggol.
“Women play a vital role in nation-building. I have a high respect for women of all ages, colors and status. I believe that protecting the interests of women, ensuring their welfare, and empowering them is an important service that I could continue to give to all Filipinos when I am elected to the Senate,” wika ni Villar.
Bilang kinatawan ng Las Piñas sa Kamara, inihain din ng senatorial bet ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang HB 10695 (Equal Maternity Protection Act) na nagtutulak ng maternity benefits, kabilang ang one-time direct maternity cash benefit at PhilHealth health coverage sa mga kababaihan sa ilalim ng tinatawag na “informal economy.”
Isinulong rin ni Villar ang HB 10694 kung saan target bigyan ng libreng maternity care ang mga kababaihang pasok sa kategorya ng maralita.
Target naman ng HB 5684 ni Villar panagutin ang mga ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan na hindi tutugon sa mga buntis na malapit nang manganak.
Kabilang sa iba pang panukalang inihain sa Kamara ni Villar ang HB 5243 (libreng gamutan sa babaeng biktima ng pananakit), at House Resolution 1023 (breast cancer preventive screening),
“Responsibilidad ng pamahalaan na siguruhin ang kapakanan ng bawat Pilipina. Isa ito sa mga priority programs na itutulak ko sa Senado kung papalarin akong manalo sa May 12 midterm elections.”
“I want to be the voice of the Filipino women in the Senate. Bilang isang millennial leader, nais kong itulak ang mga makabagong solusyon para sa mga problemang patuloy na kinakaharap ng mga kababaihan,” pahabol ni Villar. (CESAR MORALES)
