SAMPUNG araw matapos obligahin ng Palasyo ang mga political appointees sa Presidential Communications Office (PCO) na magsumite ng “unqualified courtesy resignation,” limang opisyal ang tuluyan nang nalaglag sa kagawaran.
Kabilang sa mga binitawan ng PCO ang general manager ng PTV4 na si Tony Nebrida, isang undersecretary, at tatlong assistant secretary. Maliban kay Nebrida, hindi tinukoy ni PCO Secretary Jay Ruiz ang iba pang opisyales na tuluyang umeksit sa bisa ng courtesy resignation.
“Mayroon na pong lima na tinanggap namin, isang general manager, isang undersecretary, may tatlong assistant secretary na po na aming tinanggap ang kanilang courtesy resignation,” ani Ruiz.
Ayon sa bagong Kalihim, patuloy ang evaluation sa iba pang PCO officials na nagsumite ng courtesy resignation. Kabilang sa sinisilip ni Ruiz ang nagawa sa pwesto ng mga PCO officials sa iba’t ibang tanggapan sa ilalim ng PCO.
Pagtitiyak ni Ruiz, tanging may kakayahan lang ang ititira sa hanay ng mga PCO officials na courtesy resignation. Gayundin aniya ang pamantayan sa mga ipapalit na tao.
