PARA kay Quezon City Police District (QCPD) chief Col. Melencio Buslig Jr., higit na kailangan isalang sa neuropsychiatric test ang vlogger na si Patrolman Francis Fontanillas na nakitaan ng kakaibang kinikilos.
Ginawa ni Buslig ang pahayag matapos umanong paulit-ulit na tanggihan ni Fontanillas sumailalim sa pagsusuri bago pa man sinampahan ng kasong inciting to sedition kaugnay ng walang humpay na pagbatikos sa kinabibilangang Philippine National Police (PNP at maging kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pulong-balitaan, pinuna ni Buslig ang umano’y hindi makontrol na emosyon ni Fontanillas base sa obserbasyon ng mga kasama sa trabaho. Maging si Lt. Col. Van Jason Villamor na tumatayong hepe ng QCPD medical and dental unit, kumbinsidong nangangailangan ng “psychiatric intervention” si Fontanillas na aminado aniyang umiinom ng anti-suppressant na karaniwang ginagamit bilang pampakalma.
Batay sa rekord ng QCPD, Pebrero 11 nang dis-armahan si Fontanillas matapos hindi sumipot sa patawag ng pamunuan kaugnay ng hiwalay na kaso.
Babala ni Buslig kay Fontanillas, isusulong ang proseso ng dismissal from service kung kung hindi pa rin lulutang sa punong himpilan ng QCPD.
Samantala, plano ng QCPD makipag-ugnayan sa mga kinatawan ng Facebook Philippines at Tiktok para ipatanggal ang mga vlog ni Fontanillas na umaatake sa PNP at sa administrasyong Marcos.
Kamakailan lang, pormal na nagsampa ng kasong paglabag sa Article 142 ng Revised Penal Code (Inciting to Sedition) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), ang Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD laban kay Fontanillas na nakatalaga sa District Personnel Holding and Accounting Section. (LILY REYES)
