ANG mga dating nagpapasok sa kulungan, mukhang doon din manunuluyan matapos ireklamo ng extortion ng isang lalaking dinampot sa Ermita sa lungsod ng Maynila.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), dakong alas 11:00 ng gabi ng Hunyo 20, 2025 nang arestuhin ng mga pulis na nakatalaga sa Manila Police District – Station 5 ang hindi pinangalanang lalaki umano’y sangkot sa droga.
Kabilang sa mga inireklamo ang isang tenyente, tatlong sarhento at tatlong patrolman.
Batay sa imbestigasyon ng NCRPO, ikinulong ang biktima sa holding facility ng MPD-Station 5 hanggat hindi pa nakukuha ang P50,000 na areglo para iwas-asunto.
Gayunpaman, P20,000 lang ang nalikom ng asawa ng biktima — at pinadala (gamit ang GCash) sa isa sa pitong pulis. (ITOH SON)
