WALA nang inabutang pondo si Manila City Mayor Isko Moreno. Ang dahilan — unliquidated cash advance ng apat na opisyal ng city hall.
Partikular na tinukoy ni Moreno sina Marlon Lacson na Secretary to the Mayor ni dating Manila Mayor Honey Lacuna, Jonathan Garzo na tumatayong punong-abala sa Manila South Cemetery, Fernan Bermejo ng Public Employment Service Office (PESO) at dating Deputy City Administrator Joy Dawis-Asuncion.
Batay aniya sa rekord ng lokal na pamahalaan, P1.161 bilyong ang unliquidated cash advance ni ni Lacson, P132 milyon kay Garzo, P641.86 milyon kay Bermejo at P683 milyon kay Dawis-Asuncion.
Bukod sa cash advances, binisto rin ni Moreno ang nasa P10.2 bilyong utang na iniwan ng nagdaang administrasyon ng lungsod.
Bilang tugon, bumuo ang alkalde ng Task Force FACTS — Fiscal Accountability, Cost Transparency, and Spending sa hangaring solusyunan ang P10.2 bilyong halaga ng unpaid obligations kabilang ang P2.96 bilyon sa supplies, P2.25 bilyon sa infrastructure repairs, P950 milyon sa garbage collection, at P589 milyon sa social pensions ng mga senior citizens.
“May kapabayaan. Pinabayaan. Tawag dito estafa,” aniya. (ITOH SON)
